Galit ako sa tuwing may nahuhuli akong nangongopya ng mga stories sa TOP at inaangkin itong sa kanya. Kahit sabihin pang hindi naman niya inangkin ang kwento, pero hindi naman din niya sinabing hindi sa kanya iyon, that`s still unforgivable. Kahit pa nilagay niya ang pangalan ng author as credits, pero nasa page niya iyon nakapost at worst, hindi siya nagpaalam sa mismong author nito. O kahit pa nagpaalam siya sa mismong author na kokopyahin niya at ilalagay sa page niya, UNDER TOP`s LAW, that`s still Plagiarism. It`s clearly stated in our site:
TOP COPYRIGHT NOTICE, BEWARE
Ang TOP ay libre para sa personal na pangangailangan. Kung ito ay iyong kokopyahin, mangyari po lamang na bigyan ng kredito ang manunulat, direct link sa TOP at sabihan po kami kung saan ninyo ito ginamit. Hindi namin pinapayagan ang sinuman na gamitin ang aming mga kwento para sa kanilang pang-sariling interes lamang. Kung ito ay inyong susuwayin, mapupunta kayo sa aming Shame Wall. Maraming salamat at maligayang pagbabasa!
Tanga lang talaga ang hindi nakakaintindi nito. O talagang gawain n`yo na ang mangkopya ng gawa ng iba para lang sumikat kayo? Ganyan na ba kayo kadesperada? Kung gusto n`yong sumikat, magsikap kayo!
--
Curious why such an anger? Una, galit ako sa mga taong nagmamagaling, eh wala naman palang ibubuga. Pangalawa, galit ako sa mga magnanakaw lalo na kung ang bagay na ninakaw sa akin ay napakaimportante. Pangatlo, galit ako sa mga Plagiarists.
Saan nga ba nagsimula ang galit kong ito at parang gusto kong kainin ang mga taong nahuhuli namin?
When I was in high school, nagkaroon kami ng project na journal sa Filipino. The journal would contain all our exam results for the first part and the second part would be different types of literature in Filipino. Naroon ang tula, dula, maikling kwento at nobela. Kahit hindi naman in-specify ng teacher namin, everything I`ve written there were all my original works (kahit hindi pa ganoon ka-structured ang nobelang isinulat ko noon). Sobrang fulfillment para sa akin nang matapos ko lahat isulat ang mga iyon at ipasa sa guro ko.
Then the next year, it was my cousin`s turn. Naging teacher din niya ang teacher ko at pareho lang din ng final project na binigay sa amin. Nagpaalam siya na hihiramin niya ang journal ko "as reference". Ako naman na nasanay nang hinihiram ang mga old projects ko ng kapatid, mga pinsan at mga younger neighbors ko, pumayag din. Dahil high school na nga siya, I was confident na hindi niya gagawin ang katulad ng mga ginagawa ng elementary students na nanghihiram sa akin--na kinokopya yung lahat ng nandun. Okay lang sa akin iyong sa elementary kasi hindi rin naman akin iyong mga ibang works doon like poems na nakalagay sa English project namin. Mga collection lang sila at pumayag din naman ang guro namin. But this project was different. Pinaghirapan ko lahat at bawat isang salita sa journal na iyon especially dun sa literature.
After niyang matapos ang project niya, ibinalik niya sa akin ang journal ko. Tapos na ang school year. Isang araw napasyal ako sa kanila at nahagip ng mga mata ko ang journal niya. Dahil na-curious ako, binuksan ko iyon. Natuwa pa ako nang malamang iyon pala ang project nila. But as I went through the pages, napansin kong akin yung tulang nakasulat doon. Pagtingin ko naman sa maikling kwento, akin din. And what really made me really angry was nang mabasa ko ang nobelang isinulat ko, word for word, nakasulat sa journal niya. WTF??? Kung pwede ko lang punitin, sunugin o isampal sa mukha niya ang journal niyang iyon. Masakit. Sobrang sakit talaga. I felt betrayed. Pinaghirapan ko iyon, eh. Hindi ako nangopya sa pocketbook. Pinagpaguran iyon ng utak ko na mabuo ang istoryang iyon. Kahit pa siguro iba-ibahin pa ang title o ang characters o i-translate pa iyon, malalaman ko pa ring akin iyon. Masakit lang kasi ang taas-taas ng markang nakuha niya for the project na hindi niya pinaghirapan...or pinaghirapan niya lang kopyahin. Nawalan ng hustisya ang sinulat kong kwento. Parang binaboy! Hindi nirespeto. Iyon talaga ang nararamdaman ko nang panahong iyon.
We`re both immature that time kaya hindi ko na siya kinompronta. Naisip ko rin, kasalanan ko rin naman. Hindi ko napagsabihan agad na huwag kopyahin iyon. Isa pa, mukhang nasanay na nga siyang ganoon ang ginagawa nila sa mga projects ko. But what the...? Pinaghirapan ko iyon! Iyak na lang ako nang iyak pag-uwi ko sa amin. Wala na akong magagawa, tapos na. Nabigyan na ng marka at tapos na rin ang school year.
Masakit. Sobrang sakit na pakiramdam mo sasabog ka na sa galit. Ako kasi iyong klase ng bata noon na umiiyak kapag nagagalit, hindi sumisigaw o nagsasalita. At ayaw na ayaw kong umiiyak ako...kaya iniiwasan ko talaga ang magalit.
Simula noon, galit na galit na ako sa mga taong gumagawa ng ganoon. I know the feeling kaya ganoon na lang ang galit ko sa mga plagiarists. Pero ngayon, hindi na ako tumatahimik at umiiyak lang sa isang tabi. Hindi ko man naipagtanggol ang sarili at ang isinulat ko noon, sisiguraduhin kong hinding-hindi na iyon mauulit ngayon. Kaya sa mga copycats na tulad n`yo, humanda kayong lahat sa akin!